Ebanghelyo ni Markos

Tanong Ebanghelyo ni Markos Sagot Manunulat: Kahit na hindi pinangalanan sa Ebanghelyo ni Markos ang manunulat, pinagkakaisahan ng mga naunang ama ng iglesya na si Markos ang manunulat ng aklat. Si Markos ay isang katuwang ni Pedro sa gawain at isa sa kanyang mga disipulo (1 Pedro 1:13). Nalaman niya mula kay Pedro ang mga…

Tanong

Ebanghelyo ni Markos

Sagot

Manunulat: Kahit na hindi pinangalanan sa Ebanghelyo ni Markos ang
manunulat, pinagkakaisahan ng mga naunang ama ng iglesya na si Markos ang
manunulat ng aklat. Si Markos ay isang katuwang ni Pedro sa gawain at isa sa
kanyang mga disipulo (1 Pedro 1:13). Nalaman niya mula kay Pedro ang mga
impormasyon tungkol sa mga pangyayari sa buhay at mga katuruan ng Panginoong
Hesu Kristo, at iningatan niya ang mga impormasyong ito sa pamamagitan ng
pagsulat ng kanyang Ebanghelyo.

Nagkakasundo ang karamihan ng mga iskolar ng Bibliya na si Markos ay siya ring
Juan Markos sa Bagong Tipan (Gawa 12:12). Ang kanyang ina ay isang kilala at
mayamang Kristiyano na miyembro ng iglesya sa Jerusalem at maaaring sa bahay
nila nagtitipon ang iglesya. Sumama si Markos kina Pablo at Barnabas sa kanilang
unang pagmimisyon, ngunit hindi na siya isinama ni Pablo sa ikalawang
pagmimisyon na nagresulta sa mainitang pagtatalo sa pagitan ni Pablo at Barnabas
(Gawa 15:37-38). Gayunman, ng nalalapit na ang pagtatapos ng buhay ni Pablo,
ipinatawag niya si Markos upang kanyang makita at makasama (2 Timoteo 4:11).

Panahon ng Pagkasulat: Ang Ebanghelyo ni Markos ay maaaring ang pinaka
unang aklat na nasulat sa mga aklat sa Bagong Tipan. Isinulat ito sa pagitan ng
57 at 59 A.D.

Layunin ng Sulat: Kung sumulat si Mateo partikular para sa kanyang mga
kapwa Hudyo, Ang Ebanghelyo naman ay isinulat ni Markos para sa mga
mananampalatayang Romano, partikular sa mga Hentil. Sumulat si Markos bilang
isang pastor sa mga Kristiyano na nakarinig na at sumampaltaya sa Ebanghelyo
(Roma 1:8). Ninais Niya na magkaroon sila ng talambuhay ni Hesu Kristo bilang
Tagapagligtas ng mundo at upang patatagin ang kanilang pananampalataya sa harap
ng matinding paguusig at turuan sila kung paano maging tunay na mga alagad ni
Hesus.

Mga Susing Talata: Markos 1:11: “At isang tinig ang nagmula sa langit:
“Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Markos 1:17: “Sinabi ni Jesus, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong
mamamalakaya ng tao.”

Markos 10:14-15: “Nagalit si Jesus nang makita ito, at sinabi sa kanila,
“Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin,
sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang
sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata
ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.”

Markos 10:45: “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran
kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”

Markos 12:33: “At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong
lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa
magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.”

Markos 16:6: “Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang
bilanggo—sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan.”

Markos 16:15: “Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya
si Barrabas. Si Jesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako
sa krus.”

Maiksing Pagbubuod: Ang Ebanghelyong ito ay kakaiba dahil binibigyang
diin dito ang mga ginawa ni Hesus sa halip na ang kanyang mga itinuro. Isinulat
ito sa isang simpleng pamamaraan, at mabilis na lumilipat mula sa isang kabanata
patungo sa isa pang kabanata. Hindi ito nagsimula sa isang talaan ng angkang
pinanggalingan ni Hesus, dahil hindi interesado ang mga Hentil sa talaan ng
Kanyang angkan.

Pagkatapos ng pagpapakilala kay Hesus sa pagbabawtismo sa Kanya ni Juan,
nagsimula ang ministeryo ni Hesus sa publiko sa Galilea at tinawag doon ang
unang apat sa kanyang mga alagad. Sumunod na ang tala ng buhay ni Hesus, ang
kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli.

Ang salaysay ni Markos ay hindi lamang koleksyon ng mga kuwento kundi isang
salaysay upang ipahayag na si Hesus ang Mesiyas, hindi lamang para sa mga Hudyo
kundi pati rin sa mga Hentil. Sa isang maalab na propesyon, ang mga disipulo, sa
pangunguna ni Pedro, ay nagpahayag ng kanilang pananampalataya sa Kanya (Markos
8:29-30), kahit na hindi nila naunawaan ng lubos ang kanyang pagiging
Tagapagligtas hanggat hindi siya namatay at nabuhay na mag-uli.

Habang sinusundan natin ang Kanyang paglalakbay sa Galilea, at sa mga kanugnog
na lugar hanggang sa Judea, makikita natin ang mabilis na transisyon ng kanyang
ministeryo ayon sa salaysay ni Markos. Inabot Niya ang buhay ng maraming tao
ngunit nagiwan Siya ng hindi mabuburang marka sa mga disipulo. Sa pagbabagong
anyo ni Hesus, (Markos 9:1-9), binigyan Niya ang tatlo sa kanila ng isang sulyap
sa mangyayari sa hinaharap sa Kanyang pagbabalik ng may kapangyarihan at
kaluwalhatian, at muli nahayag sa kanila kung sino Siya.

Gayunman, sa mga huling araw ni Hesus sa kanyang huling pagdalaw sa Jerusalem,
makikita natin ang mga alagad na nagugulumihanan, natatakot at nagdududa. Nang
dakpin si Hesus, tumakas sila at iniwan si Hesus na nagiisa. Sa mga sumunod na
oras ng paglilitis, buong tapang na ipinroklama ni Hesus na Siya ang Kristo, ang
Anak ng Diyos, at magtatagumpay Siya sa Kanyang muling pagbabalik (Markos
14:61-62). Ang kasukdulan ng mga pangyayari gaya ng pagpapako sa Kanya sa krus,
sa kanyang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na muli ay hindi nasaksihan ng
karamihan ng mga alagad. Ngunit may ilang babae na tapat kay Hesus ang nakasaksi
ng Kanyang paghihirap. Pagkatapos ng Sabbath, madaling araw ng unang araw ng
sanlinggo, pumunta sila sa libingan dala ang mga sangkap na kanilang ipapahid sa
Kanyang katawan. ang makita nila na naigulong na ang bato, pumasok sila sa
libingan. Hindi ang katawan ni Hesus ang kanilang nakita kundi isang anghel sa
putting kasuutan. Ang masayang balita na kanilang natanggap ay, “nabuhay Siyang
mag-uli!” Ang mga babae ang unang ebanghelista at ikinalat nila ang Mabuting
balita tungkol sa pagkabuhay na muli ni Kristo. Ang parehong mensahe ay
ipinapangaral din sa buong mundo sa mga sumunod na siglo hanggang sa ating
panahon.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Dahil mga Hentil ang intensyon ni Markos na
babasa ng kanyang aklat, hindi siya madalas na bumanggit ng mga talata sa Lumang
Tipan gaya ni Mateo, na sumulat naman partikular para sa mga Hudyo. Hindi siya
nagsimula sa talaan ng angkang pinanggalingan ni Hesus o sa mga patriyarka. Sa
halip nagsimula siya sa pagbawtismo kay Hesus, ang pasimula ng Kanyang
ministeryo sa lupa. Ngunit sa kabila noon, binanggit ni Markos ang isang hula sa
Lumang Tipan at ito ay tungkol sa mensaherong si Juan Bautista na “naghanda para
sa daraanan ng Panginoon” (Markos 1:3; Isaiah 40:3) habang hinihintay ng mga tao
ang pagdating na Mesiyas.

Tinukoy din ni Hesus ang Lumang Tipan sa ilang mga talata sa Markos. Sa Markos
7:6, sinaway ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa kanilang paimbabaw na pagsamba sa
Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga labi samantalang ang kanilang mga puso ay
malayo sa Kanya. Ginamit din ni Hesus ang propetang si Isaias upang usigin ang
kanilang katigasan ng puso (Isaias 29:13). Binanggit din ni Hesus ang isang hula
na magaganap sa mismong gabi kung kailan mangangalat ang mga alagad na gaya ng
mga tupang walang pastol ng arestuhin si Hesus at hatulan ng kamatayan (Markos
14:27; Zacarias 13:7). Binanggit Niya muli si Isaias ng linisin Niya ang templo
sa mga nagpapalit ng salapi (Markos 11:15-17; Isaias 56:7; Jeremias 7:11) at
binanggit din Niya ang mga Awit ng ipaliwanag Niya na siya ang pundasyon ng
ating pananampalataya at ng iglesya (Markos 12:10-11; Awit 118:22-23).

Praktikal na Aplikasyon: Ipinrisinta ni Markos si Hesus bilang isang
mapagtiis na alipin (Markos 10:45) at bilang Isa na dumating upang maglingkod at
magsakripisyo para sa atin at upang himukin tayo na gawin din ang gayon. Dapat
tayong maglingkod kung paanong naglingkod si Hesus ng may kapakumbabaan at
katapatan sa paglilingkod sa iba. Pinaalalahanan tayo ni Hesus na upang mging
dakila tayo sa kaharian ng Diyos, dapat tayong maging alipin ng lahat (Markos
10:44). Ang pagpapakasakit ay dapat na mangibabaw sa ating pangangailangan ng
pagkilala at pabuya, gaya ni Hesus na kusang loob na nagpakababa upang ibigay
ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa.

[English]



[Bumalik sa Tagalog Home Page]

Ebanghelyo ni Markos

Similar Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.